
Ang Buang ng Bayan
Niyuyugyog ng mga kuwento ang mga pundasyon ng ating mga pagkatao. Marahas ang mga pagyugyog na iyon. Pero isang dahás iyon na hindi pisikal. Hindi parang lindol na ilang segundo o ilang minuto ay gumuho na, nagkalamat, nabiyak, natibag ang mahihina ang pundasyon. Hindi ganoong dahás ang pagyugyog ng lindol ng mga kuwento ni Wena. Malumanay ang mga pagyugyog, dahan-dahan, paisa-isa, halos hindi pansin, halos hindi damá. Parang gumuguhong bundok na hindi namamalayan, ’yung tipong paisa-isang natitipak ang mga bato, paisa-isang gumugulong ang mga tipak, pakonti-konting dumadausdos ang mga buhangin, hindi minu-minuto kundi linggo-linggo lang o buwan-buwan o taon-taon, ganoong kabagal na mga pagguho. Parang búhay, isang walang-lubay na pagyugyog sa paggunaw sa mga kabuuan ng búhay, mga walang-lubay na paggunaw sa loob, habang nanginginig ang mundo. Hindi ganap na damá ang mga ganitong paggunaw, pero alam mong nadarama mo, walang hinto, walang tigil, araw-araw, at alam mong hanggang dulo n