
Bagay: Gabay sa Pagsulat sa Wikang Filipino
Matagal nang may gabay sa pagsulat sa wikang Filipino ang Pamantasang Ateneo de Manila. Kilala ng mga mag-aaral sa Filipino ang nasabing gabay bilang ang kalakip na “Pilipino sa Pamantasan” na isinulat ni Rolando S. Tinio sa Likha na pinamatnugutan naman ni Benilda S. Santos. Ginagamit ang Likha bilang teksbuk sa pag-aaral ng retorika sa loob ng pamantasan. Sa paggamit ng pamagat na Bagay: Isang Gabay sa Pagsulat sa Wikang Filipino, nililingon nito ang tradisyong pinag-uugatan kay Tinio at sa Kilusang Bagay sa loob ng pamantasan. Isinulong ng nasabing kilusan ang paggamit ng wikang Filipino sa panahong namamalasak ang paggamit ng wikang Ingles bilang tanda ng kapangyarihan at pagiging intelektuwalisado. Sa kabilang banda, malay din naman ang kasalukuyang gabay sa pagsulat na may mga pagbabago na ring naganap sa pagsulong ng intelektuwalisasyon ng wikang Filipino. Pangunahin dito ang paghiwalay ng Filipino bilang wikang pambansa sa Pilipino na nakaugat sa pagkaunlad ng wikang Tagalog; k